• Miki Taxi sobrang abusado na! • Baku-bakong mga kalsada! • Mga motorista, mag-ingat!

Malapit na talaga maubos ang sintas ko pagdating sa mga Miki Taxi na ito. Malapit ko nang kausapin itong si Lt. Governor Ray Tenorio na siya diumano daw ang protektor ng mga Miki Taxi. Alangya itong mga ibang kolorum na Miki taxi, kolorum na nga kung saan-saan pa nag pi-pick up at kanilang sinasapawan ang mga lehitimong taxi na katulad natin, at pati na rin sa mga ibang Miki taxi na hindi kolorum. Kaya mula ngayon ay ililista ko na lahat ang insidente at saka ko ipapa police blotter ang kilos ng mga magagaling na ito, na ang kanilang pakiwari ay sila lang ang mga anak ng diyos!

*****

Masisingil ko kaya itong si Governor Calvo kapag nasira ang suspension at mga shock absorbers ng aking sasakyan dala ng mga masasamang kalsada sa mga lugar na papasok sa halimbawa sa Dededo at mga iba pang mga village?

Sa totoo lang iniiwasan ko na minsang bumiyahe sa mga ibang looban na lugar dahil sa kasamaan ng kalsada. Akala ko pa naman sa Pilipinas lang ang ganitong mga kalsada, ngunit nung bumiyahe ako sa Pilipinas aba eh, nagulat ako sapagkat puros sementado ang dinatnan ko na mga kalsada. Ngayon kung bakit dito sa Guam na isang teritoryo ng Amerika ay mala barrio ng Pilipinas ang ating mga kalsada sa interior?!

Wala na ba talagang salapi ang gobyerno ng Guam para ipagawa sa DPW at kanilang mga contractor ang ating mga kalsada? BWISET!!!

*****

Mga driver at motorista dapat ay obserbahan natin ang sinasabing defensive driving at huwag tayo maging masyadong agresibo. Pakatatandaan natin na darating din tayo sa ating destinasyon na walang sakuna o aberya basta’t maingat lang tayo. Pakatatandaan rin natin na marami sa mga motorista sa daan ay mga turista na hindi rin sila masyadong sanay sa istilo ng driving in Guam, kaya pasensya lang tayo.

Kamakailan lang ay muntik-muntikan ng makipag head-on ang isang sasakyang minamaneho ng Koryano. Mabuti na lang at naka-iwas yung katapat niya.

Let’s always drive safely and defensively. Sabi nga nila “the life you save may be your own”.

*****

Kasiyahan nitong nakaraan Halloween sa iba’t ibang lugar sa Tumon strip, tunay na nakagigiliw. Meron diyan nag-suntukan, merong nag-sigawan, merong mga lasing na ang gagaling mag-diskurso, at iba pa.

Naisip ko tuloy ano ba talaga ang mayroon sa Halloween na para bang nagiging wild ang mga ibang tao? Mukhang talo pa ang pagka wild ng bagong taon! Iba nga rin siguro ang thrill ng Halloween!