Mga PINOY sa Guam dapat na magka-isa!!!- Ano ba namang klase talaga tayo dito sa Guam, napakaraming asosasyon at samahan ng mga Pinoy kung saan ay meron pang isang Filipino Community Guam (FCG) na siyang overall umbrella association daw. Ano ba talaga ang silbi ng FCG pag-dating sa pakay o layunin na pag-isahin or to unite ang mga Pinoy sa Guam, yan ang matagal ng katanungan na bumabagabag sa akin. Bagama’t marami rin akong nakausap na mga kababayan na hindi sumasapi sa kahit na anumang grupo o asosasyon ng mga Pinoy sa kadahilan na ayon sa kanila ay wala rin namang silbi ang pagsama sa mga grupo-grupo na yan.
Ayon pa sa isa nating kagalang-galang na kasamahan na si Ginoong Zabala ay meron daw tatlong samahan ang mga taga Aklan. Wow o wow naman. Ano ba yan mga kabayan ko??? Hindi ako nagmamarunong ngunit kung ang isang maliit na lugar na katulad ng Aklan ay may tatlong grupo, aba eh mabuti na lang at ang BASTA (Batangas and Southern Tagalong Association) na isang napakalaking lugar ay iisa lang ang samahan.
Ang punto ko ay, kung gusto natin mga Pinoy na galangin sa lugar na ito, ay kailangan natin na magkaisa sa pagpili ng ating iboboto na kandidato sa darating na halalan sa 2016 at 2018. Hindi ko po sinasabi na mag block voting tayo katulad ng INC. Ang aking lang suhestiyon ay magkaroon tayo ng unity sa pagpili ng ating mga liderato at huwag natin basta-basta hayaan na lang ang kung sinu-sino na lang diyan ang mamuno sa atin. Nakalulungkot sapagkat mismong ang mga kandidatong politiko ay hindi tayo gagalangin sapagkat alam nila na tayo mismo ay watak-watak, samantalang kung tayo ay magka-isa at hindi maging maka-sarili at ating gawing layunin na matulungan ang ating mga kababayan na nanga-ngailangan ng tulong lalung lalo na ang mga Pinoy na empleyado sa gobyerno ng Guam, aba eh sigurado ko na sila ay ating matutulungan. Tulong na katulad halimbawa sa kanilang mga promotions sa rangko, na kayang ibigay nang mga politikal leaders ng Guam sa mga karapat –dapat lamang, sa kalidad ng ating mga kabayan. Aminin man natin o hindi ay meron ding palakasan system sa Guam. Eh paano tayo lalakas kung watak-watak tayo? Hindi po ba ninyo napapansin na kakaunti lamang ang mga Pinoy na nasa middle to upper positions sa gobyerno ng Guam at puros mga simpleng trabahante ang nakararami (op kors maliban sa ilang mga mapagsamantalang mga nagPipinoy-pinoyan, hilaw na hilaw naman, ngunit hindi naman Pinoy sa ugali, sa pag-asta). Bakit kaya, ganito samantalang tunay na masisipag at magagaling ang mga Pinoy? Simple lang ang sagot – sapagkat hindi tayo nagkakaisa kaya wala tayong matinding boses na kagalang –galang.
PAG-ISIP-ISIPAN PO NINYO MGA KABAYAN. As they say, let’s get our acts together.
*****
Crab Mentality at INGGITAN ng mga PINOY alisin na!!!- Pambihira naman talaga ang iba nating mga kababayan kung maka-chismiss laban sa kanilang kapwa Pinoy. Ewan ko ba kung inggit or crab mentality or both ang umiiral. Bato-bato sa langit ang tamaan ay dapat lang na magalit. Una sa lahat ay matinding kasalanan kay Apo Diyos ang maging chismoso o chismosa. Pangalawa, ay ang pagiging isang ingitero o ingitera ay isang negatibong bagay na hindi makabubuti sa ating kalusugan at sa ating kaginhawaang mentalidad, mental sanity ika nga.
Alam niyo mga kabayan, ang karamihan ng mga ingitero at ingitera ay malulungkot ang kanilang buhay sapagkat napapalibutan sila ng sinasabing negative energy. Hi! Hi! Hi, take it from me, Dr. Tufo, jok lang mga kabayan. Hindi naman tayo kailangan na maging expert sa sikolohiya (Psychology) para malaman that good thinking begets good energy, and good energy begets a better life.
Kapag ang kapwa Pinoy natin ay gumaganda at gumiginhawa ang kanilang estado sa buhay, huwag natin silang kainggitan, bagkus ay ipanalangin pa natin na sanawa ay mas-gumanda pa ang kanilang estado sa buhay maging ang kanilang kalusugan at iba pang mahahalagang bagay sa buhay. Sa ganoong paraan ay we create positive energy within the cosmic inter-dimension that will eventually come back to us as good energy and even good karma. Alam niyo naman siguro that good karma can be developed both in deed and in thought.
Kaya mga kabayang Pinoy, magtulugan tayong lahat at magkaisa tayong lahat.
MABUHAY ANG MGA TUNAY NA PILIPINO, SA ISIP, SA DIWA AT SA GAWA.