Mar, Grace, Rody, Jejomar??? Daang matuwid – KALOKOHAN !!!

Magandang araw mga kabayan, mula ngayon, ang inyong lingkod ay inyong maaasahan na magbigay ng kanyang opinyon sa larangan ng pol-politiko at mga bagay-bagay na may saysay sa ating mahal na inang bayang Pilipinas.

Masuwerte tayo sa ating isla ng Guam at sa taong 2018 pa ang susunod na lokal na eleksyon, bagama’t magkakaroon ng presidential elections sa mainland USA ay hindi naman tayo masyadong apektado o sa madali’t salita ay wala tayong papel sa presidential elections kung hindi pumalakpak at mangarap ng gising.

Kung tutuusin ay mas malaki pa ang papel natin sa darating na Philippine Presidential elections nitong Mayo a-kinse 2016.

Sa ngayon, ang mga kompirmadong tatakbo para pangulo ay sina Mar Roxas at si Cong. Leni Robredo ang kanyang inaasahang bibigay at kanyang matitisod para sa kanyang running mate. Ang tambalang the senators Grace Poe para pangulo at ang matinding oportunistang si Chiz Escudero para bise president ni Grace Poe. Habang sinusulat ko ang kolum na ito ay nag-anunsyo na si senador Alan Peter Cayetano para bise president daw ni Mayor Rodrigo Duterte, kaya ating abangan kung sa wakas ay mag-dedeklara na rin itong si pakipot (kunwari) na kamay na bakal (daw) Rodrigo Du30. Aano ba naman kasi yan, nauna pa kunwari ang bise mag-deklara bago ang mastermind?. At siyempre, ang pinaka sikat sa negatibong pamamaraan at pananaw ng marami ay walang iba kung hindi si Binay, na hanggang sa ngayon ay wala pang bise president. Ngunit malakas ang ugong-ugong o chismis na si Bongbong Marcos daw ang kanyang magiging bise presidente.

Ang buhay nga naman ano, totoo talaga ang kasabihan sa politika na “there are no permanent friends or enemies, just permanent interests.” Tignan niyo nga naman itong si Binay na isang matinding anti-Marcos noong araw ngunit ngayon na siyang naturingan na one of the most corrupt government officials ay mukhang matutuloy na ang tambalang Binay-Marcos. Kung sabagay, para sa akin ay isang winning combination yan, ikumpara niyo naman sa Mar-Leny na kombinasyon na parehas silang mahinhin at pa –demure effect ang kanilang mga personalidad, at ikumpara din natin sa tambalang Grace-Chiz na parehong mga batang matutulis (as in matulis at mapaglaro). Ngayon, ang kombinasyon na Du30 at Cayetano, aba, parehong anti-grafters kuno, how true,? Marahil pagdating kay DU30, subok na sa anti-graft ang mama na ito, ngunit si Cayetano sa alam natin ay marami rin silang sabit na mag-asawa sa Taguig (Mayor ng Taguig ang misis ni senador Cayetano).

Balikan natin ang una kong nabanggit kung saan tayong mga Pinoy ay may isang matinding responsibilidad na magbigay ng ating opinyon at adhikain sa ating mga mahal sa buhay at mga kamag-anak na boboto, at para na rin sa mga dual citizens na kababayan. Sana po ay ating siyasatin at pag-aralang mabuti ang mga kandidato na mayroong pinaka-malinis na track record, pinaka –maraming accomplishments, at saka natin i-indurso sa ating mga kababayan na sa Pinas. Sa tutuo lang, ang problema ko kay Mar ay hindi si Mar mismo kung hindi si Korina na kung maging first lady ang babaeng ito ay sa aking palagay ay magiging isa siyang Korinafic, parang isang Imeldific. Kapag si Grace Po naman ang nagwagi, aba, pwede rin at maaring gaganda at madagdagan ang aid na matatanggap ng Pinas mula sa US dala ng loyalty ni Grace Poe at ng kanyang pamilya ay na sa Amerika. Ngayon kung si Binay at Marcos ang magwagi, yan ang ewan ko lang kung ipagpapatuloy pa ni Binay ang kanyang mga naumpisahang diskita at baka kanya pa itong mas palawakin.

Kung sabagay ang parati nating naririnig na Daang Matuwid ni Pinoy ay isa lamang useless piece of slogan na walang saysay at katuturan, at sa halip na mabawasan ang katiwalian sa gobyerno ay lalo pang tumindi. Kaya ang daang matuwid ay isa lamang slogan na pang-uuto at pampa-pogi sa mga dayuhang nagbubulag-bulagan, ngunit ang katotohanan ay lalong tumindi ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaang Pnoy Aquino!

Hanggang sa susunod kong kolum. Ito ang inyong lingkod na nagbabati sa inyo ng isang MABUHAY KABAYAN PINOY!!!