Hoy Gising ang dapat na isigaw kay Senator Michael San Nicolas. Bakit ka ninyo? Nabasa ko sa nakaraang isyu ng pahayagang ito na may sulat itong si Sen San Nicolas kay Gobernador Calvo kung saan kanyang hinihingi niya na kung maari ay atasan ni Gob Calvo ang Attorney General (AG) na maging isang independent investigator para silipin ang mga anomalyang nagaganap sa Department of Revenue and Taxation (REV&TAX) sapagkat si Gob Calvo bilang tax commissioner lamang ang may autoridad na mag appoint ng isang independent body katulad ng opisina ng AG. Ano ba namang klaseng request ito Sen Nicolas? Maganda at 100% akong sang-ayon sa iyong panukala ngunit malabong payagan at gawin ni Gob ito. Eh kung gawin ni Gob ito eh di nasilip na ang lahat ng katarantaduhang nagaganap sa Rev&Tax! At kapag yaan ay nabunyag ng detalyado ay magkakabukingan ang mga milyun-milyong napapalusot at kung sinu-sino ang mga anak ng diyos na nabibiyayaan (istayl Pinas ano?!). At kung mangyari ito ay si Gob calvo rin ang tatamaan. Ay-yay-yay, mga kabayan na walang magawa o diskarte sa kanilang patuloy at relihiyosong pagbayad ng buwis, pasensyahan na lang at malayo kayo sa kalan ika nga!
*****
Bente Mil o 20,000 copies ang circulation daw ng PDN from Monday to Saturday at kinse mil o 15,000 daw ang circulation tuwing linggo. Wow ha, ang tindi pala. Sabi nila ang populasyon ng Guam ay 180,000. Samakatwid, lumalabas na 20,000 is 11.1% ng buong populasyon ay bumibili ng PDN. Ilan naman kaya ang circulation ng Daily Post? Nasa 10,000 daw, daw??? Ano ba naman itong mga pigura na ito, kapani-paniwala ba ito sa isang taong may average na pag-iisip? Para sa akin, base sa nakita ko at alam ko sa Pilipinas, madalas na gawain ng mga publishers ang mag-exaggerate ng kanilang circulation. Katulad ko, pwede kong sabihin sa inyo na dalawampo ang fleet ng taxi ko ngunit ang katotohanan ay hindi dalawampo. Diretsahan tayo mga kaibigan, ang mga parehas at honest na pahayagan ay gumagamit ng sinasabing mga independent and credible audit firms para patunayan at i-certify ang circulation ng isang pahayagan, katulad halimbawa ng Certified Audit of Circulations a subsidiary of Alliance for Audited Media or Circulation Verification Audit (CVC), Media Rating Council at marami pang iba. Ang mga grupo na ito ang siyang magsasabi at magpapatunay kung ilan ang totoong circulation (paid, subscribed, and complimentary) sapagkat madali namang mag sabi-sabi. Ngunit mas nakatataka na ang maraming ubod ang gagaling na mga advertisers sa lugar na ito ay nag-papaniwala agad sa sabi-sabi. O sya-sya. Sige na nga, gawin na lang kaya natin 50,000 ang circulation ng PDN kung ikasasaya ng inyong mga isipan. Basta’t kami sa pahayagang ito, ang sinasabi natin na circulation that is transparently published sa pahayagan natin at ipinamimigay ng libre ay kayang kaya namin tayuan at patunayan at hindi kami basta-basta lang pwedeng magsabi na kami ay nagsi-circulate ng ganito o ganoon sapagkat madali kami mabuking. Mayroon kaming records at patunay kung ilang ang ipinararating namin galing sa aming imprenta sa Pinas sapagkat mayroon itong paper trail through the shipper and customs’ office. Diretsahan tayo – kaya kung parehas at walang tinatago, mag pa audit sa isang independent and credible auditing firm, para ma alis ang anumang duda. Hay nako! Kung bakit naman kasi ang laki-laki at ang yaman na pahayagan na katulad ng PDN ay walang independent audit at ang mga magagaling na advertisers ay hindi rin naghahanap ng audit at kaming small time na gumagawa ng tama at nais lamang na makapagsabi at mag-sulat ng katotohanan ay ginigipit pa! Mabuhay ang mga nang-gigipit!
*****
Hinggil sa aking mga ibinunyag sa mga kolorum taxi na Miki, base sa aking pagsisiyasat, ang may-ari nito ay isang Mr. Kim. Alam niyo naman, matindi ang Korean connection dito sa Guam. Malalakas ang mga Koreano sa kasalukuyang administrasyon. Ayon sa aking impormante ang isa pang matinding sideline ng mga ito ay kapag nag-hatid ng customer ang mga taxi na ito sa mga massage parlors, pabaril, strip clubs, restaurants, at iba pa ay meron daw commission itong si Mr. Kim na $5, sa mga resto per head ng pasahero, kinokolekta ito sa mga kolorum na Miki na taxi weekly o monthly. Ang sarap maging kolorum na may protector, everything and anything goes para sa kanila. Kaya ang mga kinaukulang autoiridad ay dapat ng kumilos!