Dapat magka-isa ang mga Pinoy sa darating na halalan!- Sa darating na halalan para senador ng lehislatura sa 2016, dapat sana ay magka-isa ang mga Pinoy at maging mapanuri at magpakita ng sinasabing intelligent and discerning vote. Hindi porke’t, sinabi ng isang kandidato na sila ay may mga ninunong Pinoy, o matulungin sa mga Pinoy, o ma PR sa mga Pinoy ay inyo silang paniniwalaan. Lahat naman ng mga ‘yan ay parating magaganda ang sinasabi kapag kumakampanya na. Kaya sa aking nakikita ay marami sa ating mga kabayan ay umaasa sa indurso ng kanilang kapwa kabayan, indurso mula sa ganito o ganoon opisyal ng asosasyon.
Base sa aking na-obserbahan, marami sa ating mga kabayan sa Guam ay well informed hinggil sa mga nangyayari sa Pinas, dala marahil ng mga cable channels sa lahat ng Pinoy networks na inyong mapapanood at sa chismis na rin mula sa ating mga kabayan na labas-pasok ng Guam. Ngunit, kapag tinanong mo sila hinggil sa mga batas at lehislatura o panukala ng mga Senador ay hindi nila masyadong alam o kulang-kulang ang kanilang kaalaman. Samantalang tayong mga residente ng Guam ang dapat na sanay maging mataas ang level o antas ng kaalaman sapagkat may malaking impact ito sa ating pang araw-araw na pamumuhay sa Guam. Ang punto ko lang naman ay ganito, sana ay maging mapag-matyag at mapag-siyasat tayo sa klase-klase ng mga kandidato na muling tatakbo para senador.
Huwag tayo basta-basta magtitiwala porke’t ikinampanya ni Mr. Pinoy o Ms. Pinoy official ng ganito o ganoon na opisyal ng asosasyon ay atin nang papaniwalaan at tatanggapin at saka natin iboboto. Aba eh baka masayang lang ang inyong boto. Kaalam-alam ninyo, kaya lang naman ikinampanya yung kandidatong yun ay sapagkat umaasa ng personal na pabor o pakinabang ang nangampanyang Pinoy, eh di nagamit lang kayo.
Ang isang layunin ng pahayagang ito ay mailagda ang mga detalye at mabigyan ng kinaukulang paliwanag ang mga nagawa o substantial accomplishments ng mga kandidato para sa kabutihan ng Guam at sa komunidad ng mga Pinoy, nang sa ganoon ay maging well informed tayong lahat, so that we can likewise make well informed decisions sa pag-pili ng mga karapat dapat na kandidato.
Wala naman sa pa-pogian at pagandahan ng suot yan o pagarbohan ng pakain o okasyon kung saan makikita ang galing at sinseridad ng isang tunay na matulungin na kandidato na karapat-dapat ng inyong mahalagang boto. Yaan ay makikita sa track record ng senador. Kung ano ang kanyang track record sa lehislatura o maging sa kanyang pribado o pampublikong mga gawain.
****
Mga asosasyon at samahan ng mga Pinoy, ano ba talaga ang silbe? – Sabi nila ang populasyon ng mga Pinoy sa Guam ay nasa mahigit singkwenta mil pataas o 50,000 plus. Kung ito ay totoo, sa kasalukuyan ay mayroon mga 20 plus associations sa listahan ng office of the Congen (DFA). Ipagpalagay na natin na ang mga miyembro ng bawat asosasyon ay nasa range ng 100 to 300 members or average of 150 members (baka mataas na itong estimate na ito) sa bawat asosasyon, lalabas na 150 katao x 25 associations ay nasa 3,750 members lamang ang mga Pinoy na kasapi sa mga asosasyon o wala pang 10% of all Pinoys in the island. Kung tama ang aking estimasyon, bakit kaya ang kaunti ng ating mga kabayan na gustong sumapi sa mga asosasyong Pinoy? Base sa aking pag-iinterview at pagsisiyasat sa aking mga nakakapanayam sa aking pang araw-araw na pakikipag-halubilo sa ating mga kabayan, nais kong i-share sa inyo ang ilan sa kanilang mga komento:
Sabi ni Thelma, sales girl- Kuya ayokong sumali sa mga asosasyon dito, ala namang silbi sumali sa mga yan!
Sabi ni Celine, small business owner- It’s a waste of my time. I’d rather sleep than join those fancy social groups!
Sabi ni Rey, engineer- Pabonggahan lang naman ang mga yan, wala kaming mag-asawa na magagara at mamahaling barong at filipiniana na isusuot sa kanilang mga okasyon na kadalasan ay sa mamahaling hotel pa isinasagawa. Kelangan designer clothes ang suot mo diyan, or else@#$%*&^%$*.
Sabi ni Paul, empleyado ng telco- Kuya wala ako hilig sa mga chismis chismis, and besides the dues I need to pay are not worth it. In fact my mom used to be a member but all she got was useless gossip.
Sabi ni Thelma, empleyado sa Gov Guam- Money making lang naman at mga fund raising lang mga iyan, pagkatapos kung saan-saan lang gagastusin.
Sabi ni Jun, ahente ng used car- Nakakatawa ang, mga ibang miyembro sa ibang asosasyon, Pilipino daw sila eh ni magsalita ng Tagalog hindi kaya, ano ba yan!
Hanggang sa susunod kong kolum. Pinoy magka-isa tayo.
Mabuhay!